Bakit mahalaga ang iyong atay
Halos lahat ng iyong kinakain at iniinom ay dumadaan sa iyong atay. Kahit ang mga kemikal na dumadampi sa iyong balat at mga lason na hininga mo ay dumadaan sa iyong atay.
Ang iyong atay ay may humigit-kumulang 500 iba’t ibang tungkulin na nagpapanatili sa pinakamahusay na paggana ng iyong katawan. Ang dalawang pinakamahalagang tungkulin ay ang paglilinis ng iyong dugo at pagtulong sa pagtunaw ng pagkain o inumin. Ang malusog na atay rin ay nagtatabi ng enerhiya, lumalaban sa impeksyon, at nagtatanggal ng mga mapanganib na lason.
Ang napinsalang atay ay hindi maaaring gawin nang maayos ang mga tungkuling ito, kung kaya’t mahalaga, na mapanatiling malusog ang iyong atay.
Mga impormasyon tungkol sa atay
- pinakamalaking panloob na organ
- nasa kanang bahagi ng iyong punong-katawan (torso), sa likod ng iyong mga tadyang
- kayang kumpunihin ang sarili at nakakalikha ng bagong malusog na tissue ng atay
- binubuwag ng mga selula ng atay ang taba at nakakagawa ng enerhiya
- 1.5 litro ng dugo ang dumadaloy sa iyong atay bawat minuto
Ang sakit sa atay ay nakakaapekto ninuman
May higit sa 100 sakit sa atay at nakakaapekto sila sa kapwa mga taong nasa hustong gulang at mga bata.
Ang mga nasa panganib ng pinsala sa atay ay kinabibilangan ng mga tao na:
- sobra sa timbang o ubod nang taba at may matabang atay
- umiinom ng masyadong maraming alak
- may hindi na-diagnose o hindi nagamot na impeksyong dulot ng virus katulad ng hepatitis B o hepatitis C
- may problema sa kanilang immune system na humahantong sa sakit sa atay
- ipinanganak na may sakit sa atay
Ano ang hepatitis?
Ang hepatitis ay nangangahulugang implamasyon ng atay. Ang na-implamasyong atay ay paminsan-minsang maaaring lumalaki o namamaga, ngunit hindi palagi. Ang mga sanhi ng implamasyon ng atay ay maaaring kabibilangan ng viral hepatitis, alak, gamot, o taba. Paminsan-minsan, maaaring may kombinasyon ng mga sanhi.
Pagbabantay sa mga sintomas
Ang napinsalang atay ay maaaring magpatuloy sa paggana sa mahabang panahon nang walang ipinapakitang sintomas o mga palatandaan ng pinsala. Sa katunayan, ang ilang mga sintomas ng sakit sa atay ay maaaring hindi mapansin dahil tila katulad sila sa mga pangkalahatang karamdaman.
Ang pinakaligtas na aksyon ay makipag-usap sa iyong lokal na General Practitioner (GP), Medical Specialist, Nurse Practitioner (NP) o Liver Nurse kung nababahala ka tungkol sa anuman sa sumusunod na mga sintomas:
- Hindi maganda ang pakiramdam at pagod sa lahat ng oras
- Masakit kapag hinihipo o pananakit sa atay o sa pangkalahatang lugar sa paligid ng tiyan
- Pangangati sa buong katawan, lalung-lalo na sa gabi
- Pamamaga ng mga bukung-bukong
- Jaundice (dilaw na balat at mga mata)
- Di-pangkaraniwan o nagpapatuloy na pangingitim ng ihi
- Brain fog (malabo ang utak) o pakiramdam na hindi malinaw ang isip
Ipasuri ang iyong atay
Kung mas maagang nagagamot ang sanhi ng pinsala sa atay, mas mabuti ang iyong pagkakataon na mapabuti ang kalusugan ng iyong atay. Hilingin sa iyong GP na suriin ang iyong atay kung nababahala ka.
Ano ang pagsusuri ng atay?
Ang pagsusuri ng atay ay karaniwang ginagawa gamit ang mga pagsusuri ng dugo na nagsusukat kung gaano kahusay gumagana ang iyong atay. Ang mga resulta ay tutulong sa iyong GP na pumili ng iba pang mga pagsusuri na isasagawa.
Kabilang sa mga pagsusuri na ito ang:
Ultrasound sa Tiyan/Atay
- Bumubuo ng digital na larawan ng iyong atay at mga nakapaligid na mga organ ng tiyan at bituka
- Ang gastos sa Ultrasound ng Tiyan/Atay ay saklaw ng Medicare Benefits Scheme (MBS). Ibabalik sa iyo ang buong halaga ng pamamaraan kung may hawak kang Medicare card.
FibroScan
- Isang espesyalisadong ultrasound na nagtatantiya sa pagkakapeklat ng iyong atay.
- Ang FibroScan ay maaaring makuha nang walang bayad sa pamamagitan ng mga pampublikong Outpatient Liver na klinika. Ang mga pribadong klinika ay maaaring sumingil ng bayad para sa FibroScan at WALANG REBATE sa pamamagitan ng Medicare.
Mga praktikal na tip para manatiling ligtas
Pangasiwaan ang iyong mga gamot
Uminom o gumamit lang ng (mga) gamot na inireseta ng iyong lokal na GP, Medical Specialist, NP o Psychiatrist. Huwag lumampas sa iniresetang dosis. Iwasan ang paghahalo ng mga iniresetang gamot sa alak at/o mga hindi legal na droga. Ang ilang mga medikasyon sa matataas na dosis ay maaaring makalason sa iyong atay (katulad ng paracetamol).
Limitahan o huwag nang uminom ng alak
Kung mas kaunti ang iyong iniinom, mas mababa ang iyong panganib sa pinsala mula sa alak.
Iwasan ang paninigarilyo ng tabako o marijuana o iba pang mga droga:
Ang mga lason at kemikal na laman ng usok ng sigarilyo ay maaaring makapinsala sa iyong atay. Ang mataas na dosis ng cannabis ay maaaring magdagdag sa pagkakapeklat ng atay. May panganib na magkaroon ng kanser sa atay kung gumagamit ka ng tabako o cannabis.
Gumamit ng ligtas na teknik sa pag-iniksyon
Gamitin ang pag-aari mo, at malinis na kagamitang pang-iniksyon. Kung posible, pumunta sa isang pinangangasiwaang silid ng pag-iiniksyon. Huwag kailanmang ibahagi ang kagamitang pang-iniksyon.
Mag-ingat sa mga tattoo at pagbubutas ng katawan
Pumili ng studio na sumusunod sa mga patnubay sa Pag-iwas ng Impeksyon, gumagamit ng mga karayom na isang beses lang ginagamit at mga esterilisadong tinta.
Maging gawi ang ligtas na pakikipagtalik
Gumamit ng mga kondom kung nakikipagtalik sa puwerta, bibig, at butas ng puwit. Poprotektahan ka nito mula sa pagkakaroon ng impeksyon na dulot ng virus sa pamamagitan ng mga likido sa pakikipagtalik o sa pamamagitan ng dugo.
Maging gawi ang pagiging malinis sa katawan
Ang mga bagay na maaaring may mga bakas ng dugo (sipilyo, labaha) ay hindi dapat ibahagi. Itapon ang mga bagay na may nakikitang dugo sa isang nakasaradong supot at ilagay sa basura.
Mga plano sa pagbibiyahe
Ang pagbibiyahe sa ilang bansa ay maaaring maglalagay sa iyo sa dagdag na panganib ng impeksyon sa hepatitis A at hepatitis B, malaria at yellow fever. Makipag-usap sa iyong GP tungkol sa mga pagpapabakuna, at gumamit ng mga bottled o pinakuluang tubig, sa panahon ng iyong paglalakbay.
Nagbibigay ng stress ang alak sa iyong atay
Upang bawasan ang panganib ng pinsala mula sa sakit o pinsala na nauugnay sa alak, ang mga malulusog na lalaki at babae ay hindi dapat uminom ng higit sa 10 karaniwang inumin bawat linggo at hindi dapat uminom ng higit sa 4 na karaniwang inumin sa isang araw. Kung mas kaunti ang iniinom mo, mas mababa ang iyong panganib sa pinsala na nauugnay sa alak (NHMRC, 2020).
Mga yugto ng sakit sa atay
May maraming uri ng sakit sa atay na maaaring magdulot ng lumalalang pinsala sa mga selula ng iyong atay. Kapag maagang na-diagnose ang sakit sa atay, maaari itong magamot nang maaga. Ang hindi ginagamot na sakit sa atay ay maaaring humantong sa mahinang paggana ng atay o pagpalya ng atay.
Implamasyon
Maaaring sanhi ng impeksyon na dulot ng virus, alak, mga problema sa iyong immune system, o mga lason. Ang pagtanggal o paggamot sa sanhi ng implamasyon ay magreresulta sa pagkawala ng implamasyon.
Fibrosis
Pagbuo ng tissue ng peklat. Kapag normal, ang malusog na tissue ay napapalitan ng pangkonektang tissue (collagen). Sa yugtong ito, ang napeklat na tissue ay maaaring gumaling kung ang sanhi ay natanggal o nagamot.
Cirrhosis
Ang cirrhosis ng atay ay isang hindi gumagaling na kondisyon ng atay kung saan ang malusog na tissue ng atay ay permanenteng pinapalitan ng tissue ng peklat. Ang atay na may cirrhosis ay matigas, nodular, at kadalasang lumiliit. Ang paggana ng atay ay kadalasang matinding humihina. Ang paggamot ay maaaring pumigil sa pagkasira ng atay, nagpoprotekta sa anumang natitirang malusog na tissue ng atay at nagpapanumbalik sa ilang paggana ng atay. Paiba-iba ang paggana ng atay kung may cirrhosis.
Kanser sa atay
Ang cirrhosis ng atay ay nagdadagdag sa iyong panganib na magkaroon ng kanser sa atay. Ang kanser sa atay ay maaaring matagumpay na magagamot kung maagang natuklasan.
Pagpalya ng atay
Ang pagpalya ng atay ay ang oras kung kailan humihinto ang atay sa paggana. Ito ay kondisyon na banta sa buhay at nangangailangan ng agarang medikal na pangangalaga.
Ang pagtransplant ng atay ay maaaring isang opsyon.
Makipag-usap tungkol sa iyong mga ikinababahala
Kung may anumang ikinababahala ka na nauugnay sa atay, makipag-usap sa iyong lokal na GP o NP. Ang iyong tagapagbigay ng pangangalagang pangkalusugan ay maaaring mag-utos ng mga pagsusuri upang matasa ang paggana ng iyong atay. Maaari kang resetahan ng (mga) gamot batay sa mga resulta ng iyong mga pagsusuri. Karamihan ng mga gamot ay saklaw ng Pharmaceutical Benefits Scheme (PBS). Ang karamihan ng mga radiological na pagsisiyasat ay saklaw ng Medicare Benefits Scheme (MBS). Maaari ka ring i-refer ng iyong lokal na GP o NP sa isang Espesyalista sa Atay.
Subukang makipag-usap sa iyong mga kaibigan o pamilya para sa praktikal at emosyonal na suporta. Maaari ka ring makipag-usap sa iba pang mga tagapagbigay ng pangangalagang pangkalusugan – kabilang ang mga nars, tagapayo, terapista, parmasyotiko, o mga dietician.
Para sa pangkalahatang impormasyon at suporta, maaari ka ring tumawag sa The LiverLine sa 1800 703 003.
Malaking kaibahan ang dulot ng suporta
Maaaring makaramdam ka na nahihiwalay sa ibang tao at ang paggamot ay maaaring magdulot ng pakiramdam ng pagkapagod o pagiging mahina kung kaya’t mabuting magkaroon ng emosyonal na suporta.
– Grenville, 56 na taong gulang
Malaking kaibahan ang dulot ng mga manggagawa sa kalusugan
Nasa ugali nila ito. Kung may sakit ako, gusto kong pumunta at mapakinggan at maunawaan.
– James, 56 na taong gulang
LiverWELL LiverLine
Libre at walang makakakilala sa iyo. Ang mga sinanay na propesyonal ay makikinig sa iyong
mga ikinababahala at magbibigay ng karagdagang impormasyon.
Tumawag sa 1800 703 003
Pagpapanatiling malusog ang iyong atay
Ang LiverWELL app ay isang madaling gamiting mobile app na tumutulong sa iyo upang mapamahalaan ang kalusugan ng iyong atay. Marami itong mga tool at tip upang tulungang mapanatiling malusog ang iyong atay, kabilang na ang:
- Pagtatakda ng mga paalala sa gamot
- Pag-iskedyul ng mga appointment
- Pagtatala at pagsusubaybay sa mga resulta ng pagsusuri
- Pagsusulat ng notes
Makakahanap ka ng up-to-date na impormasyon tungkol sa kalusugan ng atay sa LiverWELL app kabilang ang tungkol sa pagkain na mainam sa kalusugan, pagiging aktibo, mabuting pakiramdam at pagiging mulat sa alak.
Paghahanap ng suporta
www.cancervic.org.au
www.betterhealth.vic.gov.au
info@liverwell.org.au
LiverLine: 1800 703 003
Ang impormasyong ito ay pampangkalahatan at hindi nilalayon bilang medikal na payo. Kumunsulta sa isang medikal na propesyonal para sa karagdagang impormasyon.
NHMRC.(2020). Australian Guidelines to Reduce Health Risks from Drinking Alcohol (Mga Patnubay ng Australia upang Bawasan ang Mga Panganib sa Kalusugan Mula sa Pag-inom ng Alak).
Filipino videos